Thursday, March 15, 2012

MMDA AKO!

Berdeng polo-shirt at malaking tatak na nagsasaad ng slogan na “Marangal, Matapat, Displinado Ako” - ito ang bagong pagkakakilanlan ng mga empleyado ng MMDA na naikintal sa kaisipan ng mga mamamayan sa Kalakhang Maynila. Ngunit marami pa rin ang hindi nakakaalam kung ano nga ba ang tungkulin at kahalagahan ng MMDA sa kalunsuran.
Habang ako ay naghihintay ng bus na masasakyan pauwi isang hapon, may isang batang naglakas loob magtanong sa akin “Ate, MMDA ka ba?” wala naman akong kaabog-abog na sumagot, “Opo.”- paano ko nga naman maitatanggi ang sumisigaw na marka sa aking kasuotan. “Ang dumi pala ng trabaho mo, diba kayo yung nagwawalis at nagkakalkal ng estero?”  Panandalian akong natahimik hindi dahil nainis ako sa naging tugon nito ngunit napaisip ako kung paano ko nga ba maipapaliwanag sa labing-isang taong bata ang aking hanap-buhay? Pinili ko na lamang ngumiti sabay sabing “wala naman masama doon diba? Kasi kung hindi namin gagawin yun, higit na dudumi yung lugar natin”. Tumango-tango ang bata sabay paalam sa akin.
Nang nakasakay na ako sa bus at nakaupo, narinig ko naman ang konduktor na nagsabing “doon na po sa unahan yung mga bababa at may mga buwaya, sabay ngisi na lubhang nakakainsulto at turo sa mga traffic enforcers na nakatalaga sa kalsada”. Masakit marinig ito lalo na at kasamahan mo sa Ahensya ang tinutukoy. Akma na akong sisingilin ng konduktor nang matahimik ito dahil muli, nakita nito ang aking berdeng polo-shirt na may tatak na MMDA. “Buti na lang kuya may mga buwaya, kung hindi, nagbaba ka na sa bawal, no?”. Hindi umimik ang konduktor sabay abot ng tiket sa akin.
Iba’t-iba nga talaga ang pagpapakahulugan ng ating mga kababayan sa tuwing nakakakita sila ng taga- MMDA. Mangongotong, tamad, duwag at kung anu-ano nang negatibong salita ang naibato sa Ahensya, ngunit sa kabila nito narito pa rin  tayo at aktibong nakikibahagi sa pagsulong ng mga programa para sa ika-sasaayos ng kalunsuran. Hindi man natin maaaring pwersahin ang mga tao na maiba ang pagtingin sa atin, posible namang maipatanto na hindi lahat ng naglilingkod Ahensya ay may negatibong pagpapahalaga.
Sabi nga ng kasabihan sa wikang ingles “You can’t please everyone. If you make a good move that’s what matters”. Nakakalungkot man isipin, ngunit sa isang hakbang lamang ay maaaring mapalitan ng panghahamak ang mga papuring natatanggap ng Ahensya, sa mga proyekto na ipinapatupad nito upang mapa-unlad ang Kalakhang Maynila.
Hindi naman lingid sa atin na may iilang empleyado na naliligaw ng landas at nakakagawa ng mga hakbang na taliwas sa misyon at bisyon ng MMDA. Datapwat nararapat lamang nating isaalang-alang na iilan lamang sila, kumpara sa mas nakraramingf naghahangad na malinis ang pangalan ng ating pinaglilingkurang Ahensya.
Marahil natural na sa ating mga kababayan ang magreklamo. Nakabubuti naman ito dahil buhat sa kanila ay nalalaman natin ang mga bagay na dapat nating pagtuonan ng atensyon. Ngunit minsan ay nagiging labis at umaabot sa puntong puro satsat at wala naming kusang tumulong. Magmula sa pagwawalis ng kalsada at pag-aalis ng bara sa estero, nariyan ang ating mga kapatid na Street Sweepers at Flood Control Operations Group (FCOG) na pansamantalang isinasantabi ang kanilang pansariling kalusugan at kaligtasan. Ang ating mga kasamahan sa Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) na nagtataboy ng sidewalk vendors para sa kaayusan at kaligtasan ng pedestrians, mamura man ay walang takot pa ring ginagawa ang kanilang tungkulin. Sa tuwing nababanggit naman ang Traffic Enforcer, kotong at ganid agad ang nasa isip ng ibang mga motorista, subalit kung ito ay mapagninilay-nilayang mabuti, sino ba ang maghapong nakababad sa init ng araw o buhos ng ulan, na sinasadyang sagasaan o barilin dahil sa paghahabol ng mga lumalabag sa batas trapiko?
Walang perpektong tao sa mundo, maging sa mga kagawaran ng pamahalaan ay walang hindi binabatikos. Gayunpaman, ang lahat ng negatibong  salita ay maaari naman nating gawing inspirasyon upang bigyang pansin at isabuhay ang tunay na kahulugan ng “Marangal Matapat Disiplinado Ako”- upang kahit saan man tayo dumako, taas noo nating masasabing MMDA AKO!







No comments:

Post a Comment